Lunes, Mayo 18, 2015

Tirahan sa Esteraha - 5/'07


--------------------------------------------------------------------------------------------------------

FW: Esterahah Gathering (???? ???????)

Gents,

Planning for RF Design department gathering in Estrahah next Sunday 6th of May, Football & denier will be the main activities. Please confirm the timing is OK for you or not.

Br/saad

-------------------------------------------------------------------------------------------------------

ito ang memo-email na pinamudmod sa opisina noong isang linggo. kaya kahit tinatamad ako nung gabing yun, pinilit ko ang sarili na pumunta sa pagtitipon kahit na alam kong mabuburat lang ako gaya ng mga nagdaang “team-building kuno” activities. kung hindi lang sa “denier” na nakasulat sa memo, hindi na sana ako tutuloy. kaso nakapagbayad na ako ng SR50 at ayokong gumastos sa pagkain na hindi ko man lang na-amoy. kaya go ako in my complete sportswear attire. akala mo kung sinong world-class athlete ang aking porma. lamon lang pala ang sadya. ayoko naman kasing gayahin ang kaopisina kong pakistani na kahit pa naglalaro ng futbol ay naka longsleeves checkered polo-shirt, bitin na formal slacks at naka balat na sapatos. kung hindi pa ilalapag ang dala-dalang attache case sa lupa ay mapagkakamalan mong embalsamador.

pasado alas-nuebe na ako nakarating sa resort. nagkaligaw-ligaw pa kasi ako sa kakabasa ng arabic na mapang ibinigay sa akin. bwisit! gutom na ako! buti na lang tamang-tama ang dating ko para sa “denier” na alas-diyes. putcha, bakit ba naman kasi ganun ang oras ng lamon dito. eh sa pinas sa ganung oras, pulutan na ang tinitira ko. ang problema di pa pala dumating yung caterer. napilitan tuloy akong maglaro ng futbol kasama ng mga arabo. sus ginoo! lalo akong napagod at nagutom sa kakatakbo at kakahabol ng bolang ayaw naman sa akin. matagal na rin kasi akong hindi naglalaro. grade school pa yata ang huli kong sipa ng bola. sa PE class namin - kung saan binagsak ako ng titser kahit naka-goal ako ng dalawang beses sa final game. wala kasi akong dalang uniform palagi. kung nakita nya lang ang sportswear ko nang gabing yun, malamang magsisisi siya kung bakit nya ako binagsak dati.

“yala... take him... take him!!!” sigaw ng mga ka-teammates ko habang umaatake sa goal ang aming mga kalaban. gusto ko tirahin sa tuhod o di kaya sipain sa bayag ang mga kinaiinisan ko sa opisina. ok lang yun... di naman sinasadya eh, sabay sorry. “malesh sadik” na lang sana. napagod at labas-dila na ako sa gitna ng field kahit wala pa ang half-time. nagmukha lang akong si superman na nakapamewang at naglalakad pabalik-balik sa gitna ng field. paminsan-minsan nililingon ko yung gate at baka dumating na yung “denier” namin. at last dumating din ang mga tagaluto pero hilaw pa ang dala-dalang barbeque at kebab. bwisit! sa puntong yun, napagod na rin ang lahat kung kaya nagsi-upuan na lang kami sa nakalatag na magic carpet at nagtiyaga na lang sa tubig at prutas. kumain ako ng saging... naalala ko kasi sina maria sharapova at anna kournikova na laging kumakain ng saging sa kalagitnaan ng kanilang tennis matches. potassium loading daw yun --- pang-alis ng pagod. minsan iniisip ko... sana ako na lang yung saging.

sa awa ng diyos, naluto din sa wakas ang barbeque at kebab. gusto kong sumigaw ng “yala... lamon!!!” pero wala ring makakaintindi sa mga kasamahan ko. ako lang ang pinoy sa pagtitipong yun. grabe, ang sarap ng pagkain... tender... juicy... meaty. swerte lang at katabi ko yung indiyanong hindi kumakain ng baka. isa siyang hindu at dun ko nalaman na sagrado pala sa kanila ang baka. anak ng baka oo... meron palang ganun?! hindi ko tuloy lubos maisip kung paano ako luluhod sa harap ng baka, magpapasalamat sa mga biyayang natanggap, humingi ng kapatawaran, at mataimtim na manalangin na sana magkaroon na ng kulay ang luvlife ni vina morales. pero ayos na rin kasi binigay niya sa akin ang parte niya. nagtiyaga na lang si mokong sa vegetable salad at sa kung ano-ano pang dahong inihanda. siya tuloy ang nagmukhang baka. mooooooooooooo!!!

ok na rin na may ganyang pautot sa opisina namin. gagawin na daw regular yun kada buwan. tuluyan na talaga akong magiging mr. friendship neto. enjoy rin naman kasama ang mga arabo eh. napaka-masayahin nila. tawa lang ng tawa ang mga yun. nakikitawa na rin ako kahit kadalasan wala akong naiintindihan sa mga pinagsasabi nila.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento