Lunes, Mayo 18, 2015

Elesi Dos (another true story) - 7/'07


...sa pagpapatuloy ng ating kwento:

hindi ko na inaakala na may karugtong pa pala ang kwentong ito. sa wakas natuloy din ang aking munting pangarap. di ko na kinailangan pang sumulat kay santa claus...

linggo ng hapon na nang bigla akong sinabihan ng bisor ko na lumipad papuntang dammam. matutuloy daw ang survey kinabukasan. kumpleto na ang access permits. gusto ko sang umayaw pero ang umaayaw daw ay hindi nagwawagi.alas nuebe na ng gabi ako dumating sa dammam lulan ng eroplanong tanging guava juice lang ang pinainom sa akin. sinundo ako ng kasamahan ko sa airport, deretso sa hotel, pantasya, ligo, pantasya... tulog.

alas tres pa lang ng madaling araw nung tumunog ang alarm ko sa celphone. akala ko manok, hahabulin ko sana. nakatulugan ko pala ang palabas sa national geographic tungkol sa buwaya at mga wild ducks na hinahabol nila para tsibugin. inaatok pa ako pero sabi ko, this is it! ito na ang katuparan ng aking pangarap maliban sa pangarap kong makita sa personal si invisible man. dapat umalis kami ng maaga. kelangan pa kasi namin sunduin ang dalawa pang pinoy na sasabay sa amin papuntang airstrip. gaya ng napagusapan, dapat nandun na kami alas syete ng umaga.

malayo sa dammam ang airstrip. mahapdi ang mata ko dahil sa kulang sa tulog. tahimik ang lahat kotse. walang imikan. ang tanging naririnig ko ay mga labsungs na pinapatugtog ng kasama kong nagmamaneho. lalo ako inantok pero dahil sa excitement at dalawang tasa ng kape, di rin ako nakatulog.

dumating kami dun wala pang alas-syete. maliwag ang sikat ng haring araw. inantay pa namin ang dalawang arabong kasabay namin papuntang off-shore sites. antay...antay.. antay. at last dumating din sila kay deretso kami agad sa sikyo, pa-check ng access permits at dumaan sa scanning machine. hindi ako tumunog...

confirmed nga na alas otso ang unang flight namin sabi ni kabayan na flight dispatcher. bale tatlong trips yun sa isang araw. beginner's luck ika nga. kinilo kami uling lahat isa-isa, pati ang mga bagahe na dala namin. ok naman daw sabi ni kabayan, kelangan lang mag-jogging at konting iwas sa kabsa para bumaba ang timbang ko. binigyan kami ng earplugs na parang dalawang dilaw na marshmallows sa tingin ko. sinaksak ko na sa tenga ko ito nung tinawag na kami para sumakay sa helicopter.

pinoy din ang ground controller na nag-guide sa amin pasakay sa helicopter. headphone na malaki ang suot niya, kami parang dalawang eraser lang. lugi yata kami pero ok lang kasi libre naman ang pamasahe. para kaming mga langgam na sumunod sa kanya. tulak-tulak niya ang trolley kung saan niya inilagay ang mga bagahe ng mga pasahero. maraming helicopter ang nakaparada sa airstrip, yung iba umaandar na, may parating at may paalis din. ang ingay, sobra. para kaming mga pipi at binging nagsesenyasan. may mga ibang pasahero rin kaming kasabay, gusto ko sanang makipagkilala kaso nakalimutan ko na paano i-spell ang panagalan ko sa sign language... hindi muna kami pinasakay. may inaayos pa ang isa pang kabayan sa tuktok ng helicopter pero nasa loob na ang dalawang piloto. maya-maya bumaba ni si kabayan naglakad papunta sa aming grupo. bitbit niya ang kanyang basag na salamin at pinakita niya kay ground controller. nagsenyasan sila. ang pagkakaintindi ko ay: "pare nahulog ko ang aking salamin habang gumagawa ako sa taas". sagot ng isa, "tatanga-tanga ka kasi..."

pina-andar na ng piloto ang elesi. unti-unti itong umikot ng pabilis ng pabilis. para bang nirerebolusyon niya ito para uminit. nag-aprub sign din kaagad si kap kaya dumiretso na kami helicopter. filing ko mga 6'9" ako kaya yumuko ako para di tamaan ng elesi. kumuha kami ng sariling life-jacket isa-isa, isusuot pala talaga yun sa kabuuhan ng flight, akala ko kung emergency lang... badtrip ako kasi dun ako nakapwesto na nakatalikod sa piloto. nakaharap ako sa likuran at kaharap ko rin ang isang nilalang na hindi ko kakilala. nainis ako. unang sakay ko pero para akong pasahero ng jip sa likod ng drayber! yung tipong taga-abot ka ng pamasahe at panukli, at halos lahat ng pasahero ay nakatingin sa iyo at nakangiti. katabi mo kasi ang karatula na "Full to stop!" o yung poster ng unggoy na "Bawal sumimangot."

sinarado na ni kabayan ang pinto. nagsisiksikan kami sa loob. magkaharap kasi ang dalawang upuan kaya nagbabanggaan ang tuhod namin. B212 ang kalse ng helicopter na nasakyan namin. suot pa rin ng lahat ang dalawang dilaw na earplugs. maingay pa rin pala kahit sa loob...this is really it!!!

unti-unting umangat ang helicopter sa lupa... kaharap ko pa rin ang nilalang na hindi ko kakilala. naka rayban aviator shades siya. di ko alam kung anong lahi pero kitang-kita ko pa rin yung dalawang dilaw na marshmallows na naka-usli sa tenga niya... lahat sila ganun pati ako. tingin ko tuloy mga frankenstein monsters ang mga kasabay ko. lalabas sana ako kaso huli na, lumilipad na kami.

maingay sa loob ng helicopter. mainit. tahimik ang lahat. yung iba, tulog. ako lang ang hindi mapakali. gusto ko kasi lumingon paharap para feel ko ang byahe. kaso naka-seat belt ako. masikip. lalo akong pinag-pawisan. wew!!! hindi naman pala nakakatakot sumakay, enjoy nga ako kasi parang nasa ferris wheel ka lang. gustong gusto yung feeling habang naka-steady siya at biglang iikot ang pwet... sarap. nka limang trips kami sa maghapon kasama  refuelling at mga stop-overs sa mga off-shore platforms. malungkot ang buhay dun. may mga pinoy din na nagtratrabho dun puro naka helmet. para ka kasing nasa barko o di kaya nasa isang isla sa gitna ng karagatan. masyadong hazardous ang pamumuhay. isang mali mo lang sa mga hagdan, deretso tubig na. buti kung hanggang tuhod lang.

hindi na ako umupo sa likod ng piloto sa iba pang mga flights. nauuna lagi akong pumwestong nakaharap. mas enjoy. mas ramdam mo kung mag-aacelerate ang chopper o di kaya pag nag-hoover siya at paikot-ikot ang pwet bago lumipad o mag-landing. gustong-gusto ko yung byahe pauwi sa mainland ng kaharian. kitang-kita mo kasi yung stretch ng view habang pabalik kayo mula dagat papunta sa lupa. para kang nanonood ng intro sa isang bigating pelikula. siyempre ikaw ang bida. ibang klase ang experience na yun. sarap... sana maulit muli.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento